Mga Miyembro

Mall-a Noon Hanggang Ngayon

ni Joanna Marie P. Becong

Entri#1

Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang klaseng karanasan sa loob ng isang mall. May mga panahon na tayo ay pumupunta dito para kumain, bumili ng damit o kaya sapatos, bumili ng kung anu-anong kagamitan o di kaya naman ay basta lamang magpalipas oras at masabi sa sarili na, “May nagawa ako sa araw na ito. Aaminin ko masaya ang pumunta at magpalipas oras sa mall, para sa akin, kaya nga ito naimbento para pagsilbihan at pasayahin ang mga tao. Nandito ang mall para bigyan naman ng libangan ang mga tao at hindi lang basta tumambay sa kani-kanilang mga bahay at magtitig sa kisame. Oo, may iba rin naman puwedeng puntahan na mga institusyon katulad ng mga museo, parke at kung saan pa man. Pero kung titingnan natin ang mundo ngayon napakamoderno na at mas madali ang buhay kung tayo ay pupunta na lang sa mall kasi nandoon na ang lahat na posible nating kailanganin sa isang araw.

Marami na akong naging karanasan sa mall. Bata pa lamang ako ay nagpupunta na ako sa mga malls. Sinasama ako ng aking mga magulang, pinapasyal at kung anu-ano pa. Ang ibabahagi ko ngayong karanasan ay ang mga naging karanasan ko sa mall na SM Megamall. Ang mall na ito ang aking napili sapagkat bata pa lamang ako ay madalas na kami ng aking pamilya na pumunta dito. Isa rin ito sa aking napili sapagkat simula nung ako ay nagsimulang magkolehiyo ito na ang mall na halos araw-araw kong pinupuntahan pagkatapos ng aking klase. Sa aking pagkaka-alam ito na ata ang mall na may pinakamarami akong naging karanasan.

Una sa lahat, sisimulan ko ang kwento kong ito nung ako ay bata o maliit pa. Sa aking pagkakaalam, sa supermarket ng SM Megamall kami madalas mamili ng groceries. Nangyayari ito kapag Linggo o kaya naman ay Sabado. Hindi ko alam kung ano ang dahilan noong panahong iyon sapagkat ang alam ko lang noon ay basta kapag kami ay pupuntang Megamall ay ayan na naman at mamimili sina mama at tita ng groceries. Baka iniisip mo ngayon kung bakit gusto kong alamin ang dahilan, ito ay dahil lamang naman ang bahay naming ay malayo sa Megamall. Ngunit ngayong ako ay malaki na, aaminin ko na hindi ko pa rin alam talaga ang totoong rason, ngunit naisip ko ngayon na, dahil siguro ito sa kalakihan at maraming mabibili sa loob ng supermarket at isa rin ay dahil ang tita ko ay nagtatrabaho malapit sa Megamall at mas pamilyar siya sa lugar doon kaya mas gusto niyang mamili doon. Nang tumagal ay hindi ko na pinoproblema pa kung ano man talaga ang dahilan sapagkat nasanay na ako at isa pa palagi naman akong nakakalibre ng merienda kapag sinasamahan ko sila sa kanilang pamimili ng groceries; kasi sa totoo lang ay noong naabot ko na ang edad na 15 pataas, hindi ko na sila sinasamahan sa loob ng supermarket. Ako ay pinaghihintay na lamang nila sa Dunkin Donuts o kaya naman sa Jollibee. Kami ng aking mga kapatid ang ginagawa nilang tagapagbantay ng mga iba pa nilang gamit o pinamili. Minsan sinasabi nila ito para daw makapagmerienda muna kami ngunit minsan naisip ko na siguro ito ay para hindi na kami magpabili pa ng kung anu-anong pagkain sa loob ng supermarket.

Isa pang ginagawa namin sa loob ng SM Megamall noon ay basta makalabas pagkatapos ng pagsimba. Minsan dito rin kami kumakain ng tanghalian o kaya naman hapunan. Ginagawa namin ito sapagkat minsan lamang kami makakain na kaming lahat sa labas at syempre dahil kami ay nasa mall na at lahat, syempre hindi mo maiiwasan talaga ang pagkain. Minsan naman ay nakikipagkita kami sa iba naming kamag-anak katulad ng iba naming pinsan, tito at tita, kaibigan ng aking mga magulang at doon kami kakain para makapagkwentuhan.

Syempre, isa sa mga hindi mo nakakalimutang gawin kapag pumupunta sa mall ay ang pamimili ng damit, sapatos, borloloy at kung anu-ano pang kagamitan na kailangan mo sa katawan. Kami ay madalas magshopping sa SM na ito sapagkat madalas ay dito gusto makipagkita ang aming tita para pagkatapos naming mamili ay sabay-sabay na kami sa pag-uwi. Dito kami namimili ng damit kapag may mga Christmas party o kung anu-ano pa mang espesyal na okasyon katulad ng debut, labas ng barkada at iba pa. Namimili rin kami dito ng damit kapag gusto lamang naming bumili. Natutuwa ako kapag namimili kami ng damit sa SM na ito sapagkat maraming pamimilian at maraming kang makikita na kung anu-ano na kahit hindi mo naman kailangan ay binibili mo pa rin. Dito rin kami bumibili ng sapatos kapag malapit ng magpasukan. Gustong-gusto kong mamili sa mall kapag Sale. Syempre makakatipid ka at minsan mas marami ka pang nabibili.

Isang karanasan na hindi ko malilimutan sa mall na ito ay ang unang beses kong nakapag “ice skating”. Nangyari ito noong ako ay nasa unang taon ng hayskul. Kami ng aking barkada ay pumunta ng Megamall para gamitin ang binigay na mga kupon ng isa pa naming kaibigan para makapag “ice skating”. Sobrang saya ng araw na iyon sapagkat sobrang bago sa akin ang maranasan iyon at makapagsuot ng “ice skates”. Sobrang halo ang naramdaman ko noon dahil sa tuwa na maranasan iyon at sa takot na baka maaksidente ako sa mga pinaggagagawa ko noon. Hindi kasi ako sanay at hinding hindi talaga marunong.

Isa pang karanasan ko sa mall na ito ay ang panunuod ng sine. Ilang beses na akong nakapanood ng sine dito sa mall na ito. Gustong-gusto kong nanunuod ng sine dito sapagkat malaki ang sinehan. Naalala ko nung kaarawan ko noong ika-5 ng Mayo 2004, wala kasi ang mga magulang ko noon sa bansa kaya ang nangyari ay nanood na lamang kami ng sine sa Megamall kasami ng aking mga pinsan at ate. Ang pinanood pa nga namin noon ay Van Helsing. Ang panunood ng sine ang isa sa talagang karanasan sa mall na pinakagusto ko. Ito ay dahil isa sa aking mga adiksyon ang panunuod ng mga bagong labas na sine at makapanood sa isang sinehan. Isa pa sa aking naalala ay madalas naming panunood ng aking mga kapatid, ang ilan dito ay Tristan and Isolde, Zathura, Hairspray at napakarami pang iba.

Nang nagsimula akong magkolehiyo itong mall na ito ang naging tamabayan ko. Bakit? Simpleng sagot lamang, para ako ay makalibre sa pag-uwi sa aming bahay at para makakain ako ng libre at masarap na hapunan. Paano? Simpleng sagot lamang uli, ang tita ko ay ang kasabay pauwi. Ngayon nga lamang ay hindi na ito nangyayari. Ito ay sa kadahilanang lumipat na kami ng bahay, at hindi ko na sasabihin pa ang ibang detalye. Nang panahong nga na iyan ay lagi akong naghihintay sa tita ko para makauwi. Kaya sa paghihintay ko madalas ako gumagala-gala at nagwiwindow shopping sa Megamall. Ang pinakagusto kong ginagawa kapag naghihintay ay ang pagtambay sa loob ng Powerbooks. Alam ko ang ibang tao ay ayaw sa lugar na ito kasi wala namang ginagawa pero ako, gustong-gusto ko dito. Mahilig kasi akong magbasa at dahil puwede magbasa sa loob ng Powerbooks, iyon ang madalas kong gawin doon. Minsan inaabot ako ng 2 oras na tumitingin tingin lang ng mga libro at binabasa ang mga nakasulat sa likod. Halos araw-araw nga ay iyon lang ang aking ginagawa kapag naghihintay kahit alam kong nabasa at nakita ko na ang mga iyon kahapon o nung isang araw. Oo, maari mong sabihin na ang labo ko at may sira siguro ang ulo ngunit natutuwa lang talaga ako kapag ganoon, para bang kontento lang talaga ako sa ginagawa ko. Marami na rin akong nabili sa Powerbooks sa mall na ito at natutuwa ako pag-nakikita ko ang mga iyon dahil pinambili ko ang sarili kong pera para sa mga ito.

Sa paghihintay rin minsan ay pumupunta ako sa cyberzone. Minsan nandoon ako para tumingin ng cellphones, laptops, at kung anu-ano pang gadgets. Minsan din akong nagpaayos dito ng aking cellphone. Nakailang beses ako bumalik dito sapagkat napakakomplikadong intindihin ng sira ng cellphone ko. Nasugatan pa nga daw yung nag-aayos ng cellphone ko dati.
Madalas din naman akong naghihintay sa Starbucks sa kadahilanang isa rin sa adiksyon ko noon ang pag-inom ng frap ng Starbucks at ang pagkain ng cinnamon roll doon. Syempre doon din kasi madalas gusto makipagkita ng mga tao kaya doon ang hintayan.
Ilan sa mga kakaiba at nakakainis na karanasan ko sa mall na ito habang naghihintay ay ang una ay noong ako ay nakasuot ng backpack at ng pagtingin ko sa loob ay wala na ang pitaka ko. Sobrang naiinis ako dahil nandoon ang credit card ko, DLSU ID ko, timezone card ko at ang mga LRT at MRT kards ko. Buti na lamang at nasa bulsa ko lagi ang mga pera ko. Ang sobrang kinaiinisan ko lang talaga ay ang pagkawala ng stored value cards ko sa MRT at LRT sapagkat P100 ang isa at mahal iyon! Isa rin ay ang DLSU ID ko! Ito naman ay dahil sagabal para sa akin ang dumaan pa sa South Gate kasi sa Andrew ang lahat ng klase ko noon. Syempre mahal ang magpagawa ulet ng ID! P500 ang pagpapagawa! Nakakainis talaga! Iyong isa namang karanasan ay ang paghihinala ko doon sa babae na gustong nakawin yung cellphone ko. Wala naman talaga akong pruweba pero iba lang talaga siguro takbo ng utak ko. Ang nangyari kasi ay nakaupo ako sa mga upuan sa tapat ng National Bookstore at nagababasa ako ng New Moon. Tumabi sa akin ang isang babae at nagtanong ng oras, pagkatapos noon ay nagtanong siya kung pwede daw niyang hiramin ang cellphone ko kasi wala na daw siyang baterya, syempre tumanggi ako at sumunod ay nagtanong ulit kung puwede daw makitext at syempre sabi ko hindi. Naiinis ako sa babaeng iyon kasi ang kulit niya! Puwede naman kasi sa iba siya magtanong paulit-ulit pa siya kahit tinangihan ko na nga.

Isang karanasan na sobrang nanghihinayang ako ay ang hindi pag-abot sa ‘red carpet entrance’ ni John Lloyd Cruz, iyong araw kasing iyon ang ‘movie premiere’ at dumating ako ng mga 9 ng gabi galing DLSU. Syempre, hindi ko naabutan kasi 8pm nagsimula ang pagpasok nila. Sayang talaga nung araw na iyon, ang gwapo kasi ni John Lloyd kaya ako nanghihinayang ngayon.

Sa lahat ng mga nabangit kong karanasan sa iyo, sana ay napangiti kita kasi kapag naaalala ko ang mga ito natatawa ako kasi kung anu-ano ang mga pinaggagagawa at pinag-iiisip ko sa loob ng mall.

0 comments:

Mini-Clock

Thermo Converter

Disturbia CBox!

Maukie - the virtual cat

New Movies On DVD This Week

The Simpsomaker