Mga Miyembro

HIWAGANG MAPANLINLANG

ni Joyce Anne Ramos


ENTRI#1 (Karanasan sa Mall)

Lubhang hindi mabilang at hindi matutumbasan ng kahit na anong bagay o yaman ang bawat segundong nagugol sa paglikha ng kasaysayan nating mga Pilipino. Ang bawat makabuluhang pangyayari sa ating nakaraan, nababalutan man ito ng tamis o pait ng buhay ay paniguradong tumatak sa ating mga puso at isipan. Halimbawa na lamang ang ating kasaysayan sa kamay ng mga Kastila. Sila ang nanguna sa pagtatag ng reduccion sa ating bansa. Ito ang kanilang pamamaraan upang makontrol ang bawat mamamayan na napapailalam sa kanilang kapangyarihan. Isa itong sistema na malinaw na naipatupad sa pamamagitan ng pagtatag ng plaza sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Karaniwang pabilog o paikot ang istraktura ng nasabing plaza. Napalilibutan ng mga kabahayan ang simbahan, palengke, paaralan, munispyo, parke, libingan, libangan at madami pang iba na naging bahagi na rin ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Kadalasan ay mayroon ding entablado malapit sa sentro ng plaza at dito natutunghayan ang iba’t ibang pagtatanghal at pananalita. Sa paglipas ng panahon ay tila namatay na ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa tunay na halaga ng mga plazang nagkaroon ng napakalaking gampanin sa ating kasaysayan. Iyon ang akala ng nakararami. Ang hindi natin napapansin ay hindi natin ito nakalimutan, bagkus ay isinasabuhay pa rin ito ngunit sa makabagong paraan. Sino nga ba ang makakapag-isip na ang makalumang konsepto ng plaza ay magpapatuloy sa makabagong panahon ngunit sa isang naiibang anyo o istraktura?

Maaaring hindi pa ako nabubuhay noong mga panahon ng Kastila upang maranasan ang tunay na pakiramdam ng nasa isang makalumang plaza. Sa kabilang banda ay masasabi kong nararanasan ko pa rin ito sa tulong ng mga mall. Sa mga oras na ako ay nalulungkot at nababagot sa bahay dahil pakiramdam ko ay wala akong magawang makabuluhan ay madalas ako nagpupunta sa mall. Sadyang kaliwa’t kanan na nga ang paglipana ng mga mall dito sa Pilipinas lalong lalo na sa Metro Manila. Sino ba naman ang hindi makakaalam ng Glorietta at Greenbelt sa Makati, ATC sa Alabang, Podium, Gateway, Shangrila Mall, Rockwell, Greenhills Shopping Center, Robinson’s at SM malls na pati mga lalawigan ay sinakop na? Halos lahat ng aking mga nabanggit ay napuntahan ko na. Sa dami ng aking mga karanasan sa pagpunta sa mga mall ay isang natatanging pagkakataon ay malinaw na malinaw pa ang mga pangyayari sa aking isipan. Nangyari ito isang araw noong buwan ng Agosto sa kasalukuyang taon. Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas magmula nang ilibing ang aking uncle. Isa siya sa mga taong lubhang umukit ng marka sa aking buhay maging sa aking buong pamilya. Ang kanyang pagkawala ay naging dahilan upang kahit papaano ay maibsan ng kaunting kaligayahan at saya ang aming tahanan. Sanay naman ako sa isang tahimik at mapayapang lugar ngunit ang nakabibinging katahimikan dulot ng kalungkutang nadarama ng bawat miyembro ng pamilya ay naging dahilan upang hindi ako agarang umuwi ng bahay pagkatapos ng klase. Sinabayan pa ito ng isang hindi inaasahang hindi pagkakaunawaan namin ng aking boyfriend. Pagkatapos na pagkatapos ng klase ko noong araw na iyon ay desidido akong mapag-isa at hindi muna umuwi. Sumakay ako ng bus na karaniwan kong sinasakyan mula sa unibersidad nang walang kaide-ideya kung saan eksaktong pupunta. Bumaba ako ng Baclaran at sumakay ng FX biyaheng Sucat. Habang nakasakay ay naisip kong tinatahak ko ang daan patungong bahay. “Ayoko pang umuwi”, ang sabi ko sa aking sarili. Ngunit malayo na ko sa mga karaniwang mall na aking pinupuntahan. Buti na lamang at kahit papaano ay may madadaanan pa rin pala akong mall. Ang SM Sucat.

Bumaba ako ng FX na tila wala sa sarili at bumalik lamang sa tamang pag-iisip nang namalayang nakatayo na ako sa harap mismo ng nasabing mall. Naglakad ako patungo sa pasukan at gaya ng dati ay kunwaring ininspeksyon ng isang guwardiya ang dala-dala kong shoulder bag gamit ang isang manipis na stik na gawa sa kahoy. Napakaliit lamang nito kung ikukumpara sa mga naglalakihan at naggagandahang mall sa Makati, Alabang, Ortigas, at iba pa. Pagkapasok na pagkapasok ay natawag agad ang aking atensyon nang mapansin ang haba ng pila sa Jollibee. Sadyang napakamabenta ng mga pagkain dito lalo pa’t lasang Pinoy talaga ang mga inihahaing pagkain dito. Maging ang mga batang naroroon ay tuwang tuwa sa paglalaro sa maliit na palaruang matatagpuan sa looban ng nasabing kainan. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad at napansin din na puno ang iba pang mga kainang malapit sa entrans tulad ng KFC at McDonald’s. Tila nilalangaw naman ang French Baker, Pizza Hut, at Max’s dahil mabibilang lamang ang mga kumakain doon nang mapadaan ako. Hindi nga ba sapat sa badyet ng nakararami ang presyo ng mga pagkain doon? O baka hindi akma sa panlasang Pinoy ang kanilang mga inihahain? Maaaring ganun na nga o kaya naman may iba pa ring dahilan. Hindi ko alam. Muli, nagpatuloy ako sa paglalakad. Maya-maya ay may isang babaeng naka-pormal na kasuotan ang lumapit sa akin at nag-abot ng isang uri ng papel na may produktong marahil ay kanyang ini-endorso. Hindi sa pagiging bastos pero hindi ko tinanggap ang kapirasong papel. Alam kong parte lamang iyon ng kanilang trabaho ngunit nasanay lang talaga ko na hindi tumatanggap ng kahit na ano mula sa mga taong hindi ko kakilala. Isang kumpol ng mga maliliit na tindahan o tianggian ang namataan ko sa gitnang bahagi ng unang palapag. Dahil mahilig ako sa mga makukulay na burloloy ay naakit akong tumingin sa mga ito. Nakatutuwa pagmasdan at pakinggan ang ilang mga mamimili dito habang nakikipagtawaran ng presyo sa mga tindera. Ang ilan ay bumibili ngunit ang iba naman ay hanggang tingin na lamang at umaalis na kapag hindi nakatawad sa ustong presyo. Aba syempre hindi ako nagpahuli kaya nakipagtawaran at bumili din ako ng isang bracelet sa halagang Php 75.00 na noon ay Php 100.00. Sa aking palagay ay napamura na rin ako dahil kung sa mga stall na may pwesto talaga sa mall ko iyon bibilhin ay mahina na ang Php 250.00. Hilig ko talaga ang pamimili ng mga damit at bag. Una kong pinasok ang Freeway. Tumingin-tingin ako ng ilang mga damit at sinukat ang ilan sa mga ito. Medyo napatagal din ang aking pagsusukat dahil paulit-ulit ko sinusukat ang mga damit dahil hindi ko alam kung ano ang bibilhin. Lumabas ako ng naturang stall nang walang nabili. Naisip ko kasi na bakit hindi ko muna tingnan yung mga damit sa iba pang mga stall bago bumili ng gusto ko talaga. Sumunod kong pinasok ay ang Kamiseta, Bayo, Unica Hija, Shapes, Guess, at Bench na kapwa nasa unang palapag pa rin. Hindi ako gaanong nakatagal sa Bench dahil hindi ko nagustuhan ang pakikitungo ng saleslady nila na dapat ay maayos na nag-aasikaso sa kanilang customer. Umakyat na ako ng ikalawang palapag at doon tumingin-tingin ng mga sapatos at sandals na maaari kong magustuhan. Halos wala akong nagustuhan at kung mayroon man ay wala namang available na size sa akin. Sa aking pagpapatuloy ng lakad ay naisip ko bigla na ilang araw na lamang ay kaarawan na ng aking daddy. Mas minabuti ko ng bumili ng regalo upang hindi na rin masayang ang oras na aking ginugugol doon. Dahil mahilig siya sa polo shirts ay sinubukan kong pumili sa Giordano ng babagay sa kanya. Nang mapadaan naman ako sa Memo at Arrow ay may nakita naman akong sinturon na siguradong magugustuhan din niya. May pagkakataong nagulhan na ako sa kung ano ang aking ireregalo. Regalo sana namin ito ng aking boyfriend sa daddy ko ngunit hindi ko siya matanong dahil alam kong sasabihin nitong ako na ang bahala. Bumalik ako ng Giordano upang pumili at salamat na lamang at mababait ang mga empleyado doon kaya kahit alam kong napapagod na sila sa pababago-bago kong isip ay nakangiti pa rin nila kong inaasikaso. Sa wakas ay nakabili na din ako ng regalo. Umakyat ako ng ikatlong palapag sa pamamagitan ng escalator. Iyon na ang huling palapag. Nandoon ang sinehan na tila pribado ang pakiramdam kapag nandoon ka. Gusto ko sanang manood ng sine ngunit ang pansamantalang kasiyahan ay bumalik na sa katotohanan na kaya ako nag-iisa ay dahil nalulungkot ako sa mga nangyayari sa akin noong mga panahong iyon. Mas minabuti ko ng huwag manood sa halip ay tumingin na lamang ako ng mga bagong cellphones na tinitindi sa mga kalapit sa stall. Napagisip-isip ko na halos wala na akong kaalam-alam sa mga nagsusulputang cellphone marahil dahil na rin sa walang katapusang pabago-bago ng mga ito. Nakakatawang isipin pero load lamang ang binili ko doon. Gamit muli ang escalator ay bumaba ako sa ikalawang palapag ngunit sa pagkakataong ito ay tinungo ko ang department store. Tulad sa mga naunang stall ay namili din ako ng mga damit dito. Makakakita din dito ng mga sapatos, bag, gamit sa bahay, sabon, shampoo, tsokolate, at marami pang iba na maayos na ihiniwalay mula sa isa’t isa. Sa hindi kalayuan ay matatanaw naman ang grocery store ng naturang mall. Hindi na ako pumasok doon ngunit makikita namang napakadami pa ring namimili sa bahaging iyon. Nang makaramdam na ako ng pagod ay naisipan ko ng balikan upang bilhin iyong damit sa Freeway at jacket sa Dickies na nauna ko ng isukat. Hindi ko na namalayan ang oras at muli ko na lamang ito napansin nang naramdaman ko ang pagtawag ng mommy ko sa aking cellphone. Tinatanong niya kung nasaan ako at nang sinabi kong nasa SM ay pinasasabay na niya ko umuwi. Nagkataong nandun din ang mommy ko at katatapos lamang mag-grocery. Hinintay ko na lamang siya sa ibaba ng walkalator na nagdudugtong sa grocery store at basement parking ng SM Sucat.

Nang pauwi na kami ay napagisip-isip ko kung naghihirap nga ba talaga ang mga Pilipino. Sa aking napuna ay napakarami pa rin ng mga taong dumadagsa sa mga mall. Maaaring ang iba ay nagpapalamig lang ngunit malaking porsyento pa rin ang naglalabas ng maliit at malaking halaga upang makabili at makapaglibang sa ganitong klaseng lugar. Ang iba ay nagwi-withdraw pa talaga gamit ang kanilang mga ATM. Tuwing Linggo naman ng umaga ay may mga nagsisimba dito kasabay ng pagbubukas ng mall. Marahil ay nakakatulong ang pagpunta dito upang makalimot sa ilang mga problema ngunit lahat ng ito ay hindi libre at laging may katumbas na halaga. Ito rin ay paniguradong pansamantala lamang dahil kapag naramdaman mo na ang pagod at pagtatapos ng araw ay babalik at babalik ka rin sa realidad na iyong sinusubukang takasan.

Mini-Clock

Thermo Converter

Disturbia CBox!

Maukie - the virtual cat

New Movies On DVD This Week

The Simpsomaker