Si Juday ng Pilipinas
ni Joanna Marie P. Becong
Entri # 3
Noong ako ay bata pa isinalang sa aking utak at ipinakilala sa akin ang artistang si Judy Anne Santos. Ang dahilan nito ay ang pinsan na nag-aalaga sa akin noong ako ay bata pa. Siya ay “fan-na-fan” ni Juday, na halos lahat na yata ng kanyang palabas ay pinapanood niya. Gabi-gabi ay naaalala ko ang panonood ng Mara Clara. Palagi niya kaming sinasama ng ate ko sa kanyang panonood ng sine at may isang araw pa nga na bumili kami ng mga posters ni Juday at isinabit sa pintuan namin sa bahay. Nang lumaon ay nakita ko ang aking sarili na isa na rin yata akong fan ni Juday. Katulad ng aking pinsan, nanood na rin ako ng Esperanza, mga guestings niya sa telebisyon, pakikinig sa mga tsismis tungkol sa kanyang buhay at ang pag-aabang na rin ng mga susunod pa niyang pelikula. Kung tutuusin naramdaman ko na isa na rin akong Juday fan.
Hindi ko rin naman masisisi ang pinsan ko kasi nagustuhan ko rin naman ang mga palabas ni Juday at ang katangiang kanyang ipinapakita bilang artista. Hinahangaan ko siya sa kanya pag-iyak at mabilis na pagtulo ng kanyang luha. Noon nga ay iniisip namin saan kaya niya nakukuha ang mga luhang iyon ng ganoon kabilis?; baka sibuyas o tubig lang iyon. Inaamin ko na noong una ay ayoko sa kanya kasi kapag pinapanood ko siya palagi na lang siyang inaapi at pinapaiyak sa mga palabas niya. Naiinis ako kasi lagi siyang umiiyak, lagi siyang mahirap at nagdudusa at kung anu-ano pang kalupitan mayroong handog sa kanya ang kapalaran. Sa matagal na panonood sa kanya na ganoon siya sa harap ng mga manonood naisip ko bakit kaya hindi ko pa siyang napanood na siya ay isang mayaman o siya ang nang-aapi sa mga tao? Bakit kailangan siya lagi ang inaapi sa harap ng kanyang manonood at siya dapat lagi ang kinakaawaan.
Ang imahe ni Juday sa madla ay isang instrumento para siya ay magustuhan. Ang imahe na siya ang mabait at kawawa ang naging daan para siya ay kaawaan din ng mga tao; at bilang resulta ng kanilang awa sa kanya, tinatangkilik lalo ng mga tao ang mga produkto ng kanyang pag-arte. Si Juday ang nagrerepresenta sa mga taong mahihirap at nakakaranas ng mga mabibigat na problema na kinakarap nila sa kanilang pamumuhay. Halos lahat ng kanyang mga palabas ay lumalabas siyang mahirap na nilalang, nawalan ng magulang, namatayan, iniwan ng minamahal, magmamahal ng mayaman o kaibigan, sasaktan, maghihiganti sa mga nang-aapi sa kanya, yayaman, mamumuhay ng masaya sa dulo ng palabas at sa huli ang simpatsa ng mga tao ay nasa sa kanya. Ang imahe na ito ang laging nagugustuhan ng mga tao sa palabas sapagkat karamihan sa atin ay naniniwala na katulad ng babaeng mahirap sa telebisyon o pelikula, kaya rin natin malagpasan ang mga kalupitan mayroon ang ating buhay at mamumuhay rin tayo ng masagana at maaliwalas sa huli ng lahat. Ang mga ganitong palabas ni Juday ang nagbubukas ng isipan ng mga manonood na magiging ganoon din ang buhay nila katulad ng kay Juday sa mga palabas. Sa tingin nila ay nararamdaman din nila ang hirap at pagdudusa ni Juday kaya’t pinipili nilang tangkilikin si Juday. Marami siyang naging fans sapagkat mabait at positibo ang imahe na ipinapakita niya sa mga tao. Walang baho na inilalabas sa kanya sapagkat napanatili niya ang kagandahan ng imahe na kanyang sinimulan sa pag-arte.
Ang imahe na ito ay hindi lamang nakatulong sa kanyang pag-unlad bilang aktres, ngunit nakatulong din ito sa pagbibigay ng respeto sa kanya ng mga tao. Ang kanyang kasikatan ang naging repleksyon ng paniniwala at pagrespeto sa kanya ng mga tao. Nagustuhan nila si Juday hindi lamang sa galing niya sa pag-arte, ngunit pati rin sa ugaling ipinapakita at ipanapaniwala niya sa atin na mayroon siya. Hindi nga naman natin siya masisi na gumagawa ng masama, sapagkat wala nga namang nagsusulat ng kanyang baho o mga skandalo tungkol sa kanya. Kung mayroon man, ito ay tungkol lamang sa pang-iintriga tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.
Masasabi kong naging malaking tulong sa relasyon nila ni Ryan Agoncillo ang imaheng mayroon si Juday sa mga tao. Sa kanyang kasikatan ay nakilala pa lalo si Ryan Agoncillo sa kanyang talento sa pag-arte. Sinama ni Juday si Ryan sa kanyang kasikatan at iyon ay nakatulong din ng malaki sa kasikatan mayroon si Ryan ngayon. Naging patok ang kanilang tamabalan pati ang kanilang totoong relasyon sa mga tao dahil sa mata ng mga tao ay, “Ang babaeng aming sinubaybayan ay naging matagumpay hindi lamang sa kanyang trabaho, nakuha pa niya ang kaligayahang para sa kanya.”
2 comments:
nakakarelate ako sa entry mo.
juday fan din ako... pero DATI lang..
hahahaha
hahah! ako rin dati lang. wahhaha!
Post a Comment