Mga Miyembro

Gloria Disease o Wala Lang Ibang Masisi?

ni Joanna Marie P. Becong

Blog Entri #2

Sa mga panahon ngayon patuloy ang pagdami ng mga iba’t ibang artikulo tungkol sa ating pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Patuloy ang mga walang tigil na pag-aakusa sa kanya at paninisi na siya ang dahilan ngayon ng kahirapan ng ating bansa. Maraming dyaryo ang naglalabas ng kanyang napakagintong pangalan; sa seksyon ng editoryal, hedlayn, dyoks at kung ano pa mang bahagi ng dyaryo mayroon.

Hindi naman natin masisi rin ang mga manunulat na ito sapagkat sila naman ay naglalabas lamang ng kanilang mga saloobin tungkol sa pangulo at dala na rin ng mga hindi kanais-nais na mga pangyayaring dumadaloy sa ating bansa. Kung hindi sila nagpapamulat ng mga mata ng tao tungkol sa baho ng ating pangulo(kung mayroon man o wala), sila ay malakas lang talaga ang loob na tumayo at sabihin ang kanilang ninanais sa mga nakikita nilang hindi akma para sa ating mga mamayan.

Aaminin ko na hindi ko gusto ang ating pangulong si GMA. Noong una ay hindi ko alam kung bakit at paano ako nagkaroon ng pagka-ayaw sa ating pangulo. Kung tutuusin ay nahawa lang ako noon sa mga nakikita at nababalitaan ko sa mga balita. Ayaw ko sa kanya kasi siya ay isang “corrupt” na politiko ng ating bansa. Sabi kasi nila kaya ganoon na rin ang pananaw ko. Pero nang tanungin ko ang aking sarili, dahil nga lang ba sa narinig ko na “corupt” siya kaya ayaw ko sa kanya? Kasi kung iyon lang ang dahilan ko at wala namang ibang basehan, napaka walang kwenta naman ng dahilan ko kasi wala namang kalaliman ang dahilan na sinabi ko. Ngunit nang tumagal at mas marami na akong natutunan sa ating pangulo at mas lalo rin ako nakarinig ng iba’t ibang klaseng akusasyon sa kanyang pangalan, nagkaroon ako ng pagkakataong patunayan ang pagka-ayaw ko sa kanya.

Kung ating tiitingnan at babalikan, marami nang naging skandalo at akusasyon na ibinato sa mukha ng ating pangulo. Ang ilan sa mga naalala ko ay ang kanyang pandaraya sa eleksyon noon ng pagkapresidente niya. Ang skandalong napakapatok noon sa mga ringtones ng cellphone natin na “Hello Garci”. Naging napakalaking usapin ang isyung ito noon sapagkat biruin mo naman ang pangulo natin ay nandaya sa eleksyon at iyon ay hindi makatarungan. Nandaya na nga siya hindi pa niya nagawang ligpitin o itago man lang ang maaring maging ebidensya. Ang usaping ZTE deal na kaangkop pa si Jun Lozada na naging malaking pasabog sa pagkadumi pa lalo ng pangalan ng ating pangulo. Ang pagsasalita ni Jun Lozada bilang isang testigo ang nagpaalog ng katayuan o posisyon mayroon ang pangulo at nagkaroon pa lalo ng pagsigaw at pagtapon ng masasamang salita ng taong bayan sa kanya. Naaalala niyo ba ang mga ilang naganap na pagbobomba sa Makati at ang pagsabog ng Glorietta mall? Sabi nila hindi daw iyon bomba at gas lamang ang dahilan ngunit ang iba naman ay nagsususpetsa talaga na iyon ay isang planadong pagbobomba. May narinig nga akong mga akusasyon na baka daw si GMA na naman ang may kagagawan noon, sapagkat mga ilang araw ata ang lumipas ay siya ay pumunta sa Glorietta para lamang ipamukha sa atin na wala ng dapat ipangamba pa. Naaalala niyo rin siguro ang ibang mga rallies at protesta na “inialay” ng mga tao para lamang bumaba na sa posisyon itong si GMA.

Kung atin ngang papansinin paulit-ulit na lamang ang mga nangyayari ngayon. Oo nga, may mga skandalo at akusasyon, papasabugin ang balitang ng ilang lingo o buwan, tapos ano na? Bigla na lamang ding makakalimutan at para bang walang nangyari. Ang mga ilan sa isyung nabangit ko kanina ay halos wala rin namang napatunguhan. Oo may nangyari kahit papaano pero anong ginagawa ni GMA at nasa Malacañang pa rin siya?

Sige sabihin na natin kaya niyang lagpasan ang mga skandalong pilit nating ipinapahid sa balat niya, sa ayaw at sa gusto natin siya pa rin naman ang nagwawagi at ang masa pa rin ang nagdurusa. Alam ko na sobra naman siguro kung puro siya na lang ang sisihin natin kasi malay natin inosente naman pala talaga si GMA. Pero ayoko ng maging plastik pa, kasi siya lang naman talaga ang gusto kong sisihin at wala ng iba. Bakit? Kasi hindi pa ba sapat ang nangyayari ngayon sa ating bansa? Sige, alam kong matagal ng pabagsak ng pabagsak ang ekonomiya ng ating bansa, pero syempre kahit naman siguro papaano ay mareresolbahan niya ang ilan sa mga ito at hindi siya magdadagdag sa problema.

Sabi sa artikulo na aking nabasa ay wala nga daw kwenta ang ating pangulo. Wala siyang alam gawin kundi magtago sa loob ng Malacañang at sabihing “I’m sorry”. Kung titingnan daw natin ngayon ay walang pag-asensong niyayakap ang ating bansa. Katulad na lamang ng krisis sa bigas at kahit nagkaroon nga ng libreng bigas mababa naman ang kalidad. Ang isyu sa meralco na tayo daw pala ang nagbabayad ng mga ninakaw na kuryente. Ang paglubog ng MV Princess na kaya daw baka ito lumubog ay para lamang makita ng tao kung paano niya pakikinabangan ang insidenteng ito para makita ng tao ang kanyang simpatsya.

Sabi rin sa artikulo ay pinapamukha at pinapapaniwala lang nga daw niya tayo na maunlad at nasa mabuting mga kamay ang ating bansa. Ngunit ang totoo naman daw ay hindi. Noong una ay nag-isip ako kung tama ba ito. Sa aking palagay ay oo, kasi oo nga naman mukha bang maunlad ang ating bansa sa pag-upo ni GMA? Hindi kaya! Simula nang umupo siya at namahala puro na lang reklamo ang mga tao. Sa mga SONA na ibinigay niya, para namang walang nangyari. Sige aaminin ko kahit siguro papaano nagkaroon ng epekto ang mga isinagawa niyang mga programa at mga pangako niya sa mga SONA niya. Pero bakit ganito pa rin tayo?

Patuloy nga ang papoprotesta, patuloy rin naman ang mga balak ni GMA na masama man o hindi, hindi naman nakakatulong sa pagtigil na pagdagsa ng problemang nakaangkop sa bansang Pilipinas. May kinalaman man ang tao sa ilang pagbagsak ng bansa, hindi pa rin mapapantayan ang ilang mga pangyayari at problemang kagagawan ng ating pangulo.

0 comments:

Mini-Clock

Thermo Converter

Disturbia CBox!

Maukie - the virtual cat

New Movies On DVD This Week

The Simpsomaker