24/7 AT PAGLIKHA NG SOMNAMBULISTANG NILALANG
RAMOS, JOYCE ANNE F.
10613374/ AB-PHM
Noong una ay inakala ko na iyong artikulo na naibigay sa akin upang bigyan ng reaksyon ay tungkol sa mga serbisyong alok ng Sun 24/7. Inakala ko din na tatalakayin ng artikulo iyong mga implikasyon dulot ng nasabing linya ng telepono. Maling akala pala ang lahat ng iyon bagamat maaaring namang iugnay ang nilalaman ng artikulo sa aking mga naisip.
Ang nasabing artikulo ay tungkol sa iba’t ibang mga bagay na may kaugnayan sa walang tigil na siklo sa buhay ng maraming Pilipino. Tinatalakay nito kung paanong parang kabute nagsulputan at patuloy na nagsusulputan ang napakaraming establisimiyento sa Pilipinas, partikular na sa Metro Manila. Ilan sa mga nabanggit ay ang Jollibee, McDonald’s, Chowking, Mercury Drugstore, Mini Stop, Starbucks, mga ospital, call centers, at marami pang iba. Masasabi ko na ang lahat ng mga ito ay napuntahan at napasukan ko na. Sa unang tingin ay mukhang ordinaryo nga ang mga establisimiyentong ito at hindi gaanong naiiba sa iba pang mga gusaling katabi. Ang lahat ng ito ay totoo maliban na lamang sa pagsapit ng gabi. Ang sunud-sunod na pagbukas ng mga ilaw sa gabi ang magpapatunay na may pinagkaiba nga ang mga ito. Makikitang halos sarado na lahat ng uri ng negosyo pagsapit ng gabi maliban na lamang sa mga ito. Bakit nga ba? Ito ay dahil sa lumalaganap na phenomenon ng 24/7 o iyong walang sawang pagbibigay serbisyo ng mga kumpanya sa kanilang mga patron o mamimili.
Sa aking palagay, hindi pa man lumalaganap ang konsepto ng 24/7 ay marapat lamang na bukas 24 oras ang mga ospital at botika katulad ng Mercury Drugstore. Hindi dapat hinahayaang masaalang-ala ang kalusugan, kaligtasan, at kalagayan ng mga pasyente sa isang partikular na ospital at maging ng nakararaming mga mamamayan. Sa kasalukuyan ay lalong mas hinihikayat na hindi magsasara ang mga ito. Lalo pa ngayon na halos hindi na maiwas-iwasan ang mga aksidenteng nagaganap sa paligid. Ito ay dahil na rin sa hindi maubos-ubos na bilang ng tao sa kaliwa’t kanang bahagi ng mga kalsada. Gaya ng dati ay nandyan pa rin ang mga tindero at tindera ng balot, penoy, isaw, IUD, at marami pang inihaw na laman loob ng baboy at manok. Mas lalo pa nga silang dumami at ngayon ay may nadagdag pa sa kanilang mga paninda. Nauuso na nga din ang mga de kariton na lakuan ng mami at goto sa gilid-gilid ng mga kalsada. Noon ay maaaring mga may kaugnayan sa prostitusyon lamang ang pangunahing parokyano ng ganitong klase ng mga maliliit na negosyo. Ngunit ngayon pati ang mga drayber ng dyip, traysikel, pulis, at maging mga propesyunal ay tumatangkilik na rin sa mga pagkaing inihahain ng ganitong mga kainan.
Ang pagiging in-demand ng mga call centers sa buong mundo ay hindi nakaiwas sa Pilipinas. Napakabilis ng pagkakatatag ng mga naglalakihan at mangilan-ngilang mga malilit na gusali sa Makati, Ortigas, Quezon City, at sa iba pang mga industriyalisadong lugar sa bansa. Ang penomenong likha nito ay tila isang sibat na pinana sa isipan ng napakaraming mamamayan lalong lalo na iyong mga magtatapos pa lamang sa pag-aaral at nagbabalak na makapagtrabaho agad. Magmula ng magsimula ang industriya ng mga call center sa bansa ay halos ninais na rin ng lahat ang makapagtrabaho sa mga kumpanyang ito na pagmamay-ari naman ng mga banyaga. Sino nga ba naman ang magdadalawang isip pa sa pag-aaplay sa isang call center? Ang pangarap na malaking sweldo ay madaling maiipon mula sa pagsagot lamang sa tawag ng iba. Ganun na nga lang nga ba kadali ang pagiging isang call center agent? Naaalala ko noong nagkwentuhan kami ng aking kapatid tungkol sa trabaho. Napag-usapan kasi namin kung ano ang maaari kong maging trabaho pagkatapos kong mag-aral sa kolehiyo. Abogado na siya ngayon ngunit noong mga panahong iyon ay nagtatrabaho pa lamang siya sa isang call center. Inamin niya sa akin na sa kabila ng napakadaming bilang na nagnanais kumita sa isang call center, ay hindi niya iyon ginusto. Kaya lamang siya nagtrabaho doon ay dahil iyon ang pinakamadaling pasukan na trabaho dahil kahit high school graduate ka pa lamang ay posible ka ng matanggap sa kumpanya. Gusto lamang niya kumita habang naghihintay sa resulta ng kanilang bar exam. Kung sweldo lang daw ang pag-uusapan ay wala siyang naging reklamo mula sa pagtatrabaho doon ngunit ang epekto ng ganitong klaseng trabaho ang pinaka-kinaaayawan niya. Nakakabagot daw ang ganoong uri ng trabaho. Maaaring sa umpisa ay mawiwili ka sa pagsagot at pakikipag-usap sa mga tumatawag ngunit hindi maglalaon at paulit-ulit na lamang ang iyong ginagawa. Masama pa dito ay sa pagtapos ng iyong trabaho sa isang gabi ay masasabi mong halos walang gaanong katuturan ang iyong nagawa. Pinaka natatandaan kong sinabi niya ay “…kung ayaw mong ma-bobo, wag kang pumasok sa call center.” Ito ang isa sa pinaka inayawan ng kuya ko mula sa pagtatrabaho sa isang call center. Sabi pa niya na kung hindi ako marunong makipaglaban sa antok at kung maikli ang aking pasensya ay hindi ako nababagay sa ganitong uri ng trabaho. Antok at nakakabwisit na pangungulit at pangungutya daw ng mga banyaga ang pinakamatinding kalaban ng isang agent. Hindi maiiwasang mapasailalim ka sa pagdidiskrimina ng mga banyaga lalo na kung malalaman nilang hindi na nila kalahi o kauri.
Maaaring ang mga call center na ito ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nagsilipana ang napakadaming kainan, convenience store, at kapihan sa paligid. Minsan ay napapaisip ako kung talaga nga bang nakakapagpagising ng inaantok na mga mata ang kape sa mga kilalang coffee shop o dahil kagising-gising nga naman ang presyo ng kanilang mga produkto tulad na lamang ng sa Starbucks at Seattle’s Best. Ang mga kapihang ito ang karaniwang bukas nang 24/7 malapit sa mga call center.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng inaakalang ginhawa na mararanasan mula sa mga serbisyong dulot ng mga 24/7 na establisimiyento ay tila negatibong epekto ang mas tumatalab sa pamumuhay nating mga Pilipino. Sa mga 24/7 drive-thru ng mga fastfood chain ay mas nahihikayat tayo na kumain ng mga produktong punung-puno ng trans fat at preservative. Ang pagkasanay sa ganito, kahit kalian man ay hindi makakabuti sa ating kalusugan. Nakalulungkot din na sa call center pinapangarap ng nakararami na makapagtrabaho. Hindi sa taliwas ako sa pamamalakad ng mga call center ngunit tila hindi na tayo makakabangon sa ating pamumuhay nang hindi nagsisilbi sa mga mapagsamantalang banyaga.
0 comments:
Post a Comment